Mga Duguang Plakard

Buglas Writers Project
2 min readApr 10, 2021

--

Ni Rogelio G. Mangahas

(Para sa mga rebolusyonaryong demonstrador
na nabuwal sa karimlan ng Enero 30, 1970,
sa Tulay ng Mendiola)

I.
Bawat plakard ng dugo’y isang kasaysayan.
Isang kasaysayan sa loob ng mga kasaysayan.
Mga kasaysayan sa loob ng isang kasaysayan.
Kangina pa namimigat, kangina pa kumikinig
ang ating mga palad, wari’y mga
munting bungong may kutsilyong nakatarak.
Sa look ng kurdon,
tayo’y tila mga tupang halos katnig-katnig,
magkahiramang-hininga, magkapalitang-pawis.
Bawat ngiti’s duguang balahibo
ng isang martines na walang mahapunan.
May dilang namimigat sa pangil ng tigre,
may dilang kumikisig sa abo ng dahon,
may dilang tusuk-tusok ng tinik ng suha,
ay, kampilang bungi-bungi sa lalamunan
ng isang lalaking sumusuntok sa ulap
sa tanghaway ng unat na bato!

II.
Sa labas: isang lura, isang pukol ang layo,
mata sa mata,
ano’t tila kumikisay ang mga bituing
nakatusok sa mga balikat? Mga ngiti’y
nakatahing paruparo sa pawisang mga manggas.
Kaytikas ng ating mga pastol.
Namimigat ang berdeng mga ulo,
ang huberong mga ulo, ang kuping mga ulo.
Nagsisipagningning ang mga batuta, baril,
kalasag, holster. Bakit mangangambang
maluray ng hangin? Mga leong
walang buntot naman ang ating mga pastol.

III.
Hagupit ng hangin sa sanga,
hagupit ng sanga sa hangin!
Kumakalapak sa mga duguang plakard,
bumabarimbaw sa mga ulo natin.
Kumakalatik sa hubero, kuping, at berdeng
mga ulo — O, kumpas ng hinaing, ng pagtutol,
ng pagsumpa, habang yaong mga daho’y
sabay-sabay, sunod-sunod sa pagbagsak.
Ang hangi’y tumitiling papalayo,
Ang sangang nalagasa’y waring di na nakayuko.

IV.
Itaas ang mga plakard, ang pulang watawat, ang mga kartelon. Sa loob ng kurdon, sa loob. Hayaan na munang humingalay ang Dayaming-
Bayani sa ilalim ng baog na puno. Hintayin na munang matigib ng dighay ang tiyan ng Kuweba. Hindi magtatagal, sa paglabas ng Buwayang Maharlika kasunod ang mga klerigong bangaw, mga banal na uwak at buwitre: gisingin ang Dayaming-Bayani, gisingin at hayaang sabihing “Amigo no lo comas todo, dejame algo.”
At siya, sa gayon, ay ating paligiran, ngitian, pagpugayan, sindihan! Mga kababayan, kung pagtitig sa atin ng Buwayang Maharlika ay kumikislap-kislap sa luha ang kanyang
mga mata, habang nakanganga, sinuman sa ati’y malayang mangarap,
mangarap ng muling paghimlay
sa sinapupunan ng ating ina; sinuman sa ati’y malayang mag-alay, mag-alay ng sarili, kapatid, magulang; o magnasang makakita ng bungangang walang dila, walang tonsil, walang pangil.
Kusutin ang diwa, mga kababayan, kusutin, kusutin.

--

--

Buglas Writers Project
Buglas Writers Project

Written by Buglas Writers Project

An Online Archive of Negrense and Siquijodnon Literature of the Buglas Writers Guild

No responses yet